Adyenda Para Sa Milyon-milyong Wage Workers

April 29, 2022

Bumibilang ng 26.3 milyon ang sahurang manggagawa sa bansa, mula sa kabuuang 41.5 milyong employed (2018 data). Ang kanilang pinagsamang sipag at tiyaga, talino at talento, husay at abilidad ang nagpapainog sa lokal na ekonomya. 

Ngunit sa kabila ng kanilang kontribusyon sa progreso, hindi pumapatak sa kanila ang pag-unlad na ipinangako ng “trickle down economics”. Milya-milya ang iniunlad ng negosyo. Pulga-pulgada lamang kung iniusad sa buhay ng manggagawa, na nagagawa lamang sa pamamagitan ng pag-uunyon. Unyonismo na kinikilala sa papel - mula sa Saligang Batas hanggang sa Labor Code - ngunit sinasagkaan kapwa ng mga employer at ng mga umiiral na batas na humahadlang sa pagsasapraktika ng naturang karapatan.

Aking isinusulong ang sumusunod na mga reporma para sa uring manggagawa:

Karapatang Mag-unyon at Magwelga

  1. KARAPATANG MAG-UNYON AT MAGWELGA

    • RIGHT TO UNION. Ganap na kalayaan at karapatan ng lahat ng manggagawa at empleyado sa pribado at publikong sektor na organisahin ang kanilang sarili sa mga unyon at pampulitikang organisasyon. Baklasin ang lahat ng mga restriksyon sa batas na nagpapahirap sa pag-uunyon. Isabatas ang kriminalisasyon sa mga malukubhang paglabag sa mga batas at istandard sa paggawa. Buwagin ang NTF-ELCAC na tumutugis sa mga militanteng unyonista bilang mga “terorista”.
    • RIGHT TO STRIKE. Ganap na kalayaan at karapatang magwelga ng lahat ng manggagawa at empleyado sa pribado at publikong sektor hindi lamang sa mga isyung pang-ekonomya kundi hanggang sa mga isyung pampulitika at pasaklawin ito hanggang sa paglulunsad ng mga general strikes at sympathy strikes. Baklasin ang mga restriksyon sa batas na sumusupil o bumabalewala sa karapatang ito gaya ng assumption of jurisdiction, free egress-ingress, atbp. Palakasin at istriktong ipatupad ang mga batas laban sa paggamit ng mga iskirol, pulis, at maton sa panahon ng welga.
    • NATIONAL AND INDUSTRY UNIONS. Gawing mandatory sa batas ang pagtatayo ng mga pambansang unyon para sa mga piling linya ng industriya laluna sa mga sektor ng agrikultura, serbisyo, konstruksyon, transportasyon, atbp., na mahirap itayo o hindi epektibo ang lokal na unyon. Ang pagtatayo ng mga indsutriyal na mga unyon ang dapat na direksyon ng pagkakaorganisa ng kilusang unyon sa bansa. 

Pagpapatupad Sa Mga Konstitusyunal Na Probisyon Ukol Sa Paggawa

  1. PAGPAPATUPAD SA MGA KONSTITUSYUNAL NA PROBISYON UKOL SA PAGGAWA, tulad ng:

    • LIVING WAGE. Karapatan ng bawat manggagawa ang makabubuhay na sahod at ito ang gamiting pamantayan sa minimum wage. Hindi ang batas ng kompetisyon o batas ng merkado ang dapat na magtakda ng minimum ng halaga ng paggawa kundi ang daily cost of living ng pamilyang manggagawa, na umaayon sa pang-ekonomikong mga batas sa pagtatakda ng halaga at presyo. Pairalin ang pambansang minimum na istandard sa pasahod at paggawa nang walang diskriminasyon sa mga manggagawang bukid at manggagawa sa sektor ng serbisyo at engganyuhin ang paglagpas sa istandard na ito sa pamamagitan ng unyonismo. Buwagin ang mga regional wage boards sa pagbabasura ng Republic Act 6727 o Wage Rationalization Act.
    • FULL EMPLOYMENT AT JOB SECURITY.  Obligasyon ng estado na tustusan ang ikabubuhay ng pamilyang manggagawang hindi nabibigyan ng oportunidad  na ibenta ang kanyang lakas-paggawa sa tamang halaga. Harapin nito ang problema sa “downsizing” at “redundancy” bunga ng mga pag-unlad sa teknolohiya na nagluluwal ng pagbabawas sa mga manggagawa. Gawing 6-hours ang regular time nang walang kabawasan sa sweldo upang lumikha ng dagdag na workshift para makapag-empleyo ng dagdag na manggagawa, Ipagbawal ang mga iskemang kontraktwalisasyon at pleksibilisasyon ng paggawa at oras ng paggawa para mapamura ang sahod, mapalaki ang tubo, at maikutan ang unyonismo. Ipagbawal ang mga trilateral work arrangements ng mga manpower agency, service cooperative, atbp. 
    • COLLECTIVE BARGAINING. Kung ang karapatang bumoto ay ginawan ng estado na obligasyon ng mamamayan, kahit ito ay simpleng pagpili lamang kung sinong dinastiya’t lang ang susunod na magnanakaw sa kaban ng bayan, dapat ay maging obligasyon din ang karapatan sa pag-uunyon at pakikipagnegosasyon. Ang tanging dahilan kung bakit hindi tinatamasa ng mayorya ng mga manggagawa ang mga karapatang ito ay nilalansag at sinasagkaan ng mga kapitalista ang pag-uunyon, pinapadaan sa butas ng karayom ang rehistradong unyon bago maging “sole and exclusive bargaining agent” at binablakmeyl ang mga manggagawa na mawawalan ng trabaho.

Pagsulong Ng Mga Istandard at Benepisyo Ng Manggagawa

  1. PAGSULONG NG MGA ISTANDARD AT BENEPISYO NG MANGGAGAWA

    • 50% OVERTIME RATE. Hindi ako pabor na pinipwersa ang mga manggagawa sa pag-oobertaym dahil sa kababaan ng sweldo. Ang epekto nito ay ang pagkalaspag ng katawan ng may-trabaho at pagkakait sa trabaho na maaring ipagawa sa mga unemployed. Itaas ang overtime rate mula sa 25% dahil ang sobrang oras na binibili ng kapitalista ay inaagaw niya sa pamilya ng manggagawa at ang oras sa pahinga ng kanyang empleyado. Doblehin din ang holiday pay, premium pay at night differential pay.
    • ONE-MONTH SEPARATION PAY. Doblehin ang separation pay na itinatakda ng batas at gawing katumbas ng isang buwang sahod. Baguhin ang batas upang tiyakin na unang nakakasingil ang manggagawa sa pagsasara ng kompanya bago ang gobyerno, mga bangko, at mga supplier nito.
    • 14TH MONTH PAY. Isabatas ang 14th month na nakalaan sa Disyembre at ibigay ang 13th month pay sa bandang gitna ng taon kasabay ng pagbubukas ng school year at bayaran ng matrikula.
    • 126-DAYS PAID MATERNITY LEAVE. Ipatupad sa bansa ang rekomendasyon ng International Labor Organization Recommendation (ILO-R191) para sa labingwalong (18) linggo na maternity leave with pay. Itaas ang itinakda ng batas sa paid sick leave at vacation leave.
    • MONTHLY PENSION. Palikihin ang pension mula sa SSS at GSIS para sa mga retiradong manggagawa. Ang karagdagang ito ay dapat sagutin ng buong hanay ng uring kapitalista at ng gubyerno, at hindi dapat kaltasin sa mga mangggawa. 
    • TAX BREAKS. Lahat ng manggagawa sa pribado at publikong sektor na ang arawang take home pay ay hindi umaabot sa daily cost of living ay hindi dapat kaltasan ng withholding tax. Kunin ang pondo sa mga bilyonaryo sa paraan ng “wealth tax”. 
    • HOUSING BENEFITS. Isabatas ang pagtatayo ng workers’ villages na isang ispesyal na housing program (national at LGU), katulong ang mga kapitalista na ginagamit ang mga lupa ng gobyerno na di-kalayuan sa mga lugar ng trabaho ng manggagawa.

Reporma Sa Labor Justice, Representasyon, at Partisipasyon Sa Pagugubyerno

  1. REPORMA SA LABOR JUSTICE, REPRESENTASYON, AT PARTISIPASYON SA PAGUGUBYERNO

    • LABOR CODE AMENDMENT AT DOLE-NLRC REORGANIZATION. Palakasin ang Batas Paggawa at reorganisahin ang DOLE-NLRC sa iisang layuning palawakin ang proteksyon sa paggawa sa panahon ng neoliberal na globalisasyon. Patawan ng mabigat na parusa ang mga opisyal ng mga ahensya ng gobyerno at mga orgainisasyon ng paggawa na nagpapagamit sa pang-aapi ng mga abusadong employer sa uring manggagawa.
    • PARTISIPASYON SA PAGUGUBYERNO. Itatag ang mga institusyong pampulitika na magiging daluyan ng pinakamalawak na pampulitikang pagmumulat, pagkakaorganisa at partisipasyon ng uring manggagawa sa buhay ng kipunan at palakad ng pamahalaan.
    • WORKERS REPRESENTATION SA LOOB NG ESTADO. Magkaroon ng boses at representasyon ang manggagawa sa gobyerno bilang pagkilala sa manggagawa bilang mayorya at pinakaproduktibong pwersa sa lipunan. Ito ay alinsunod sa “rule of the majority” na siyang totoong esensya ng demokrasya.

Share:

Ka Leody Campaign Logo

Manggagawa Naman. Atin to!

FOLLOW OUR CAMPAIGN

Contact

Have feedback for the campaign? Send a message using the form below, or send an email to media@kaleody.org

Passionately made by volunteers of Ka Leody De Guzman

© 2022