Sa Resulta ng mga Surveys

April 07, 2022

Hindi kami apektado ng resulta ng mga surveys pero asahan ng publiko na dodoblehin o tritriplehin pa namin sa PLM - Partido Lakas ng Masa ang aming pagsisikap na abutin ang pinakamalaking bilang ng mga manggagawa’t masa na sawang-sawa na sa isang kahig, isang tukang buhay habang nagtatampisaw sa pinagpagurang buwis ng mamamayan ang mga elitistang pulitiko.

Unawain na may limitasyon ang survey dahil: Batay ito sa politikong nagbayad ng survey na minomonitor lang ang ‘malakas’ nilang kalaban. Kaya madalas hindi sinasama si Ka Leody at ang aming mga kandidato sa sina-survey.

Dagdag pa, gaya nang magastos na advertisements, wala kaming milyon-milyong pera para sa binabayarang survey. Ang mga top survey agencies ay nagsa-subcontract lang ng surveyors on the ground. Hindi maliwanag ang mga tanong at ayon sa ilang na-survey, biased ang mga tanong sa kandidatong gusto nilang i-promote.

Dahil sa mga limitasyong nabanggit, kailangan natin ng trustworthy agency na hindi binabayaran, hindi for profit lamang ang survey. Mayroon namang UP School of Statistics na pwedeng pakilusin para dito.

Wala kaming balak umatras at hindi rin namin rerendahan ang mga lider-manggagawa at aming volunteers sa kanilang taos-pusong pag-iikot para ipaliwanag ang kahalagahan at kawastuhan ng paglahok ng kandidatong manggagawa sa panahon ng kaliwa’t kanang krisis na pinapasan ng masang Pilipino.

Hanggat ang aming mga karibal ay patuloy sa pagsusulong ng kanilang plataporma na papakinabangan lamang ng mga bilyonaryo’t mga dinastiya, walang panlipunang pwersa ang makakapigil sa lumalaban na manggagawa.

Papatunayan ng kasaysayan na nasa panig kami ng katwiran. Nasa panig namin ang manggagawang Pilipino. ###


Share:

Ka Leody Campaign Logo

Manggagawa Naman. Atin to!

FOLLOW OUR CAMPAIGN

Contact

Have feedback for the campaign? Send a message using the form below, or send an email to media@kaleody.org

Passionately made by volunteers of Ka Leody De Guzman

© 2022