Isinusulong ko ang sumusunod na reporma para tiyakin ang karapatan, kabuhayan at kagalingan ng mga migranteng Pilipino at kanilang pamilya.
Upang tugunan ang kanilang pinakakagyat na mga suliranin dulot ng ipinataw na lockdown sa maraming bansa bilang tugon sa Covid-19. Bilang pangmatagalang solusyon, simulan na ngayon pa lang ang pagpapalakas sa ating lokal na ekonomya, upang ang bisig at talino, talento at abilidad ng ating OFW ay mas mailaan sa pagpapaunlad ng lipunang Pilipino.
- Umaksyon ang gobyerno sa pagpapauwi sa mga stranded OFWs na hindi makauwi sa bansa dulot ng lockdown at pandemya. Siguruhing buo ang kanilang matatanggap na sweldo, batay sa kontrata, na pananagutan ng kanilang principal employer at employment agency;
- Paramihin at higit pang palawakin ang serbisyong medikal ng OFW Hospital. Ang remittances ng mga OFW ang salbabidang sumasalba sa ekonomya ng bansa mula sa mabilisang paglubog at pagbulusok. Hindi kalabisan na buhusan ng pondo para sa panlipunang serbisyo ang mga OFW at kanilang pamilya;
- Task Force OFW. Itayo ang isang quick response team sa lahat ng embahada sa mga bansang may malaking populasyon ng OFW upang ma-monitor ang kanilang kalagayan at pangangailangan, at magawan ng agarang aksyon kung kinakailangan, kabilang ang libreng legal services na magtatanggol sa mga nagkakaroon ng problema sa kanilang employer at sa kanilang mga hinaing sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan;
- Paunlarin pa ang mga programa ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). Saklawin nito ang ‘loss and damages’ sa mga naipundar na pag-aari at negosyo ng mga nagsiuwian na OFW;
- Buwagin ang lahat ng sindikato sa mga ahensiya para sa mga migrante na nagsasamantala sa kanilang paghahangad makapagtrabaho sa ibang bansa;
- Pagbubuo ng OFW desk lalo na sa mga barangay na may malaking bilang ng pamilya ng OFW. Magsisilbi itong daluyan at katuwang ng gobyerno sa pagpapatupad ng mga programa para sa kagalingan at interes ng OFW at pamilya nito. Ang OFW desk ay bahagi ng “structures of care” sa antas ng barangay;
- Kilalanin ng gobyerno na ‘wage theft’ - ang sistematiko at malawakang pag-iwas ng mga employer sa pagbigay ng nararapat na kompensasyon batay sa kontrata, at ng mga gobyernong nagkakanlong sa mga ito. Magbuo ng mga nararapat na patakaran at resolusyon para maiwasan ito at mabayaran ang mga tinakbuhang OFW;
- Sa bagong tatag na Department of Migrant Affairs, ipatupad ang ‘Labor First policy’ sa lahat ng programa, polisiya, department order at iba pang kautusang ilalabas nito. Hindi sapat ang mga papuri sa mga OFW bilang ‘bagong bayani’ ng bansa. Ang interes ng mga migrante, hindi ng mga manpower agency at kanilang principal employer, ang dapat na pangunahing itinataguyod ng naturang kagawaran;
- I-demokratisa ang Overseas Filipino Bank o OFBank. Ang mayorya ng Board of Trustees nito ay mula dapat sa mga migrante para epektibo itong makapaglabas ng mga policy decisions na naaayon sa interes ng manggagawang migrante;
- Sentral na sangkap ng ‘Labor First policy’ ang pagpapalakas sa agrikultura, industriyalisasyon ng bansa, at muling pagpapasigla sa manupaktura. Balangkasin ang bagong medium-term economic development plan sa layuning likhain ang milyon-milyong trabaho at oportunidad sa pang-eempleyo upang hindi na kailangang mangibang-bayan ang mga Pilipino para maghanap ng ikabubuhay. Talikuran ang patagong patakaran ng “export of cheap skilled labor”. ###