Sunod-sunod na ang mga maneobra ng mga tradisyunal na elitistang partido - mula sa PDP-Laban Cusi wing, kay Pantaleon Alvarez sa Partido Reporma, at sa National Unity Party ng bilyonaryong si Ricky Razon.
Sa mga partidong tinuturing ang mga prinsipyo’t plataporma bilang palamuti lamang para humamig ng boto at nagpapasya batay sa pansarili’t pampulitikang interes ng mga politiko at negosyanteng nasa likod nito, hindi dapat ikagulat ang ganitong mga biglaang pagpapalit sa binibitbit na mga kandidato.
Gaya nang sinabi ko sa proclamation rally ng Partido Lakas ng Masa (PLM), pare-pareho lamang sa kaibuturan ang mga burges na partido. Lahat sila ay kinatawan ng mga elitistang minorya, nag-uusap na lamang paano ang hatian sa mga pribilehiyo’t kapangyarihan kaya’t napakadaling magkampihan at maglalagan. Animo’y nag-aaway subalit pare-parehong nagtatanggol at nagsusulong sa interes ng mga elitista,
Sa mamamayang Pilipino, nawa’y mamulat na tayo sa sarsuelang alitan ng mga elitistang trapo. Hindi isinalang-alang sa kanilang mga bangayan ang kalagayan ng masa. Kahit nga konsultahin ang masa ay hindi nila magawa. Sapakat hindi tayo kasali sa mga kanilang partido. Mga partido ng binubuo ng mga pulitiko’t burukrata mula sa pambansa hanggang sa lokal na antas.
Tapusin na natin ang ganitong panlilinlang. Simulan natin ngayong eleksyon ang pakikialam ng manggagawa’t mamamayan sa usapin ng pagugubyerno. Itaguyod ang bagong pulitikang nag-uusap ng katapatan sa mga plataporma’t paninindigan hindi lamang sa mga indibidwal na personalidad.
Tayo ang pumapasan ng buwis. Tayo ang lumilikha ng sahod, tubo, renta, at interes na nagpapaandar sa estado’t lipunan. Dapat pakinggan at sundin ang mayoryang trabahador ng lipunan - ang manggagawa sa industriya’t serbisyo at ang masang magbubukid sa agrikultura.
Iyan ang tunay na demokrasya. Manggagawa naman. Tayo naman