ADYENDA SA EDUKASYON NI KA LEODY

March 18, 2022

Ito ang adyenda ukol sa edukasyon ni Ka Leody de Guzman. Sinusunod nito ang batayang prinsipyo ng kanyang 13-point platform, na naninindigang ang edukasyon (gaya ng iba pang mga esensyal na serbisyo) ay tungkulin ng gobyerno sa kaniyang mamamayan.

Ang edukasyon ay susing sangkap sa pag-unlad ng bansa. Hindi lamang sa de-kalidad na edukasyon para makapasok at makalikha ng trabahong may mas mataas na sweldo. Higit pa, ang edukasyon ay krusyal sa lahatang panig na pag-unlad ng bansa, mula sa pang-ekonomiko, pampulitika, pangkultura, at panlipunan tungo sa pagpapaunlad ng mga Pilipino bilang responsableng mamamayang bahagi ng komunidad ng mga nasyon sa daigdig.

Maling iasa sa malalaking negosyo ang pagbibigay ng serbisyo sa taumbayan sa pamamagitan ng pribatisasyon, deregulasyon, at komersyalisasyon. Dahil kung hahayaan sa kamay ng pribadong sektor, ang edukasyon ay hindi magiging batayang karapatan kundi pribilehiyo ng makakabili nito.

Sa ngayon, ang edukasyon ang may pinakamataas na alokasyon sa budget appropriations ng gobyerno, alinsunod sa nakasaad sa 1987 Constitution. Subalit hindi ito sasapat. Higitan pa natin ang pandaigdigang standard na 6% ng GDP at tiyakin na inilalaan ito, hindi lang sa konstruksyon ng mga bagay, kundi sa mga stakeholders ng sektor - ang kapakanan ng mga guro at mga kabataang estudyante.

Malaki ang pagpapahalaga ni Ka Leody sa edukasyon, hindi lamang bilang dating working student kundi bilang ama na siniguro ang pagtatapos ng kanyang mga anak. Ang edukasyon bilang esensyal na serbisyo at bilang karapatan ang siya ring isinusulong ng kanyang partido - ang Partido Lakas ng Masa (PLM).

Inilista ng adyendang ito ang mga kahilingan ukol sa edukasyon upang maging batayan ng tuloy-tuloy na laban ng sektor ng edukasyon at ng mamamayang Pilipino. Hindi lang upang hikayatin ang masang botante na iboto si Ka Leody bilang pangulo. Sa ganitong diwa, ang adyendang ito ay bukas para sa reaksyon at kontribusyon ng lahat ng mga guro, nasa akademya, at mga mag-aaral upang buuin ang mga kahilingang ipaglalaban ni Ka Leody at PLM, kasama ang buong sektor.  

Magpapatuloy ang mga suliranin ng sektor ng education matapos ang halalan. Kung gayon, nawa’y matipon ng adyendang ito ang mga pwersang magpapatuloy ng laban para sa libre, mapagpalaya at de-kalidad na edukasyon para sa lahat ng nais na mag-aral at matuto.

SA SEKTOR NG EDUKASYON SA ILALIM NG “NEW NORMAL”

Ang pinakamalaking usapin ay kung paano titiyakin hindi lang ang pagbibigay ng serbisyo sa edukasyon kundi ang kaligtasan at kagalingan ng mga sektor ng mga guro at kabataang estudyante sa “new normal”.

Points 1-4 of Ka Leody's Education Agenda for the Education Sector

  1. Pagpopondo ng gobyerno sa pag-aayos ng lahat ng mga school facilities kasama ang, ngunit hindi limitado sa, retrofitting para tiyaking ligtas ang face-to-face classes sa ilalim “new normal”
  2. Paglalaan ng pondo sa mga gastusin sa utilities (internet, kuryente, atbp.) sa distanced segment ng blended education
  3. Moratorium sa lahat ng pagtataas ng mga bayarin sa eskuwelahan habang may banta pa ng COVID-19 
  4. Public funding sa lahat ng gastusing medikal na may kinalaman sa COVID para sa mga mag-aaral, empleyado at guro ng mga paaralan

Points 5-7 of Ka Leody's Education Agenda for the Education Sector

  1. Abutin ang zero backlog sa mga public school classrooms at facilities, na aangkop para sa distance learning at face-to-face classes upang tiyakin ang libre, accessible, at de-kalidad na edukasyon
  2. Ibaba sa 24 learners kada klasroom ang bilang ng klase, ayon sa internasyonal na standard.  Tiyakin ang 1:1 ratio ng aklat sa bawat mag-aaral, bigyan ng maayos na pasilidad ang bawat silid-aralan para sa tubig at sanitasyon
  3. Idagdag sa kurikulum ang mga pag-aaral sa climate science, labor rights, at gender education bilang mandatory subject sa lahat ng antas at sa lahat ng akademikong institusyon

Points 8-10 of Ka Leody's Education Agenda for the Education Sector

  1. Ibalik at palakasin ang komprehensibong pag-aaral ng kasaysayan, panitikan, kultura ng Pilipinas sa lahat ng antas, kabilang ang pagpapaigting sa human rights and peace education at indigenous people’s education sa mga katutubong komunidad.
  2. Ipihit ang kurikulum mula sa pagtuon sa international job market tungo sa pagpapaunlad sa sariling lokal na ekonomiya at pamayanan.
  3. Gawing istandard ang “green campus” sa pamamagitan ng pagpihit sa renewable energy sources at sa paggamit ng green architecture upang mabawasan ang carbon footprint sa mga eskuwelahan.

SA KAGURUAN:

Ang pundasyon ng edukasyon ay ang mga guro, hindi ang mga pasilidad. Dapat tiyakin ang maayos na ikabubuhay, karapatan at kagalingan ng kaguruan tungo sa dekalidad na edukasyon.

Points 1-3 of Ka Leody's Education Agenda for the Teachers' Sector

  1. Libreng tuition sa lahat ng mga edukador na kumukuha ng post graduate studies upang lalong mapaunlad ang kanilang kakayahan. Tiyakin ding sila ay may sapat na gamit sa pagtuturo gaya ng laptop at internet connection.
  2. Sa minimum, itaas sa salary grade 15 ang entry-level position ng public school teachers o ibigay ang matagal na nilang hinihinging P10,000 across-the-board increase sa buwanang sweldo.
  3. Mag-hire ng karagdagang mga guro batay sa pangangailangan, kasama ang mga magtuturo sa SPED, kindergarten, at senior high school. Tiyakin ang kwalipikadong mga guidance counselor at pasahurin nang patas batay sa kanilang kwalipikasyon.

Points 4-6 of Ka Leody's Education Agenda for the Teachers' Sector

  1. Kumuha ng dagdag na support staff at non-teaching personnel para sa mga clerical at ancillary tasks sa mga paaralan upang ang mga guro ay mas makapaglalaan ng oras at makatututok sa de-kalidad na pagtuturo.
  2. Tiyakin ang benepisyong pangkalusugan sa mga guro at kawani ng sektor, kasama ang pagtatayo ng ospital para sa kanila.
  3. Ibigay ang ayuda sa mga guro at kawani na nagkasakit ng COVID-19 mula Marso 2020, lalo na sa pamilya ng mga namatay.

Points 7-8 of Ka Leody's Education Agenda for the Teachers' Sector

  1. Amyendahan ang GSIS Act at magtalaga ng karagdagang kinatawan ang DepEd employees lalo na ang rank-and-file teachers sa GSIS Board.

    Alisin ang mga hindi makatarungang polisiya ng GSIS at palawigin pa ang mga benepisyo sa mga kawani kabilang ang pagpapababa ng retirement age sa 56 anyos

    Maaari ring ipatupad na ang hiwalay na insurance para sa mga guro at kawani ng sektor ng pampublikong edukasyon.

  2. Tiyakin ang mekanismo para sa ganap na representasyon ng rank-and-file employees sa lahat ng policy-making bodies ng DepEd maging sa Management Committee sa Central Office pati na sa mga Boards at Komite na may kinalaman sa karapatan at kagalingan  ng mga guro at mga polisiya sa sektor edukasyon.

Points 9-10 of Ka Leody's Education Agenda for the Teachers' Sector

  1. Bayaran ang lahat ng utang ng gobyerno sa mga guro bunga ng hindi pagpapatupad sa mga probisyon ng Magna Carta for Public School Teachers (RA 4670) gaya ng libreng medical check-up at pagpapaospital, kompensasyon sa injuries, overtime pay, paid study leave, special hardship allowance, step increment, at iba pang mga benepisyo.
  2. Ayusin ang merit and promotion system sa public service, lalo na sa DepEd. Iwaksi ang kumplikado at pahirap na Results-Based Performance Management System (RPMS) at manumbalik sa simpleng Performance Appraisal System for Teachers (PAST). Gawing patas ang laban at bigyang-prayoridad sa promotion ang mga guro na matagal nang nagtitiyaga sa pagtuturo kahit pa sa liblib na mga lugar.

Point 11 of Ka Leody's Education Agenda for the Teachers' Sector

  1. Seguridad sa trabaho ng mga guro at kawani. Alisin ang lahat ng porma ng  kontraktuwalisasyon sa pribado at pampublikong mga paaralan at mga ahensiya ng gobyerno.

    Garantiyahan ang right to self-organization, right to collective negotiation/bargaining at right to peaceful concerted activities/right to strike ng mga guro at kawani sa pampubliko at pribadong paaralan. 

Point 12 of Ka Leody's Education Agenda for the Teachers' Sector

  1. Sa mga guro sa mga pampublikong institusyon, isabatas ang hiwalay na Magna Carta for Private School Teachers. Ilagay sa naturang batas ang pagtitiyak na nasusunod ang lahat ng labor rights and standards, na nakasaad sa Labor Code.

    Kasama ang mga karapatan sa seguridad sa trabaho, pag-oorganisa, pag-uunyon, pakikipagnegosasyon para sa collective bargaining agreement, at paglulunsad ng mga sama-samang pagkilos, kasama ang pagwewelga, na naayon sa mga prosesong itinatakda ng batas.

    Ang unyon ang magtitiyak sa kalagayan ng mga guro sa pribadong paaralan, laluna ang pagtitiyak na sila ang numero unong nakikinabang sa mga pagtataas sa matrikula at iba pang mga singil, at nakasasabay din sila sa suweldo’t benepisyo ng mga guro sa pampublikong paaralan.

SA KABATAANG ESTUDYANTE:

Likhain ang ligtas at makapagkalingang environment para sa lahat ng mga mag-aaral. Buksan ang pintuan ng mga unibersidad, pamantasan at paaralan para sa lahat ng nais matuto at mag-aral. Gawing sentro ng kritikal na pag-iisip ang mga institusyon ng edukasyon sa pagtitiyak ng mga kalayaan sa pagpapahayag, pag-oorganisa, at pagtitipon upang ihanda ang kabataan hindi lang bilang highly-skilled worker para sa international labor market kundi bilang responsableng miyembro ng isang demokratikong pamayanan.

Points 1-2 of Ka Leody's Education Agenda for the Students' Sector

  1. Itatag ang may-kapasidad na students’ help desk para sa mga kaso at usapin tulad ng sexual harassment, mental health, safe spaces, cyber bullying at iba pang anyo ng harassment sa kanilang inuuwian at sa mga paaralan.

  2. Ang internship ay hihikayatin at susuportahan bilang bahagi ng lahatang panig na pag-aaral para sa lahat ng mga nasa kolehiyo, at dapat bayaran ng sweldo ang mga intern para sa kanilang serbisyo.

    Ang mga student assistant ay dapat ding makatanggap ng sweldo batay sa kanilang kontribusyon sa paaralan at proteksyunan sila sa mga pang-aabuso at pagmamaltrato

Points 3-6 of Ka Leody's Education Agenda for the Students' Sector

  1. Gawing reyalidad ang konstitusyonal na garantiya para sa edukasyon bilang karapatan imbes na ang national scholarship program na “Free Education Law”
  2. Bigyan ng buong konsiderasyon ng mga administrador ang mga working student sa usapin ng mga bayarin, class schedule, at iba pang mahahalagang usapin
  3. Pigilan ang mga patakaran sa admission, na sinadya man o hindi, na may diskrimisasyon sa mga buntis at di-kasal na mga estudyante, sa solo parents, o batay sa kanilang sexual orientation, gender identity at expression, at sa mga PWDs 
  4. Sapat na pondo para sa student council, publications and campus organizations, at pagbabawal sa pakikialam at panghihimasok sa academic freedom ng university administration at mga pwersa ng estado

Points 7a-7b of Ka Leody's Education Agenda for the Students' Sector

  1. Isabatas ang unibersal na Magna Carta of Students, na maglalaman sa mga karapatan ng mga mag-aaral, na siyang magiging batayan ng mga patakaran ng gobyerno kaugnay sa campus life ng mga estudyante sa lahat ng antas, sa pampubliko at pribadong mga paaralan. Kabilang sa mga karapatang ito, ang sumusunod:

    a)  karapatan sa academic freedom, na malaya sa anumang impluwensyang pang-ekonomiko at pampulitika, may kalayaan sa ekspresyon at aksyon, nang may buong suporta para sa academic excellence at social awareness

    b)  karapatan sa free, quality, accessible education

Points 7c-7h of Ka Leody's Education Agenda for the Students' Sector

c)  karapatan sa swift, reasonable, at competent due process

d)  karapatan sa pag-oorganisa at mga lugar sa pag-oorganisa nang walang prejudice at diskriminasyon

e)  karapatan sa student councils at governments

f)   karapatan sa student press freedom, campus publications, and access, at sa publikasyon ng mga alternatibang porma ng midya

g)  karapatan sa ligtas na campus mula sa paniniktik, harassment at karahasan mula sa state security forces

h)  karapatan sa clean, green, healthy, and sustainable campus and campus practices

Points 7i-7l of Ka Leody's Education Agenda for the Students' Sector

i)   karapatan sa mentally and physically healthy academic environment na nakatuon sa youth development, academic excellence, and social awareness imbes na sa profit and market-driven demand

j)   karapatan sa SOGIE Equality and Anti-Discrimination sa batayan ng gender, religion, organization, affiliation, beliefs, identity, at physical conditions

k)  karapatan sa sexual, sexuality, sex education, at reproductive health education and support

l)   karapatan sa additional, sufficient, and accessible facilities at mga programa para sa students with additional needs


Share:

Ka Leody Campaign Logo

Manggagawa Naman. Atin to!

FOLLOW OUR CAMPAIGN

Contact

Have feedback for the campaign? Send a message using the form below, or send an email to media@kaleody.org

Passionately made by volunteers of Ka Leody De Guzman

© 2022