Maluwag kong tinatanggap ang kautusan ni DOLE Secretary Silvestre Bello III para sa minimum wage review. Dapat lang pag-aralan ang kagyat na pagtataas sa sahod dahil sa sumisirit na presyo ng mga bilihin. Ganunpaman, hindi sapat ang simpleng rebyuhin ang antas ng minimum wage.
Mismong si DOLE Secretary Silvestre Bello III na ang nagsabi na napakababa ng Php537.00 na minimum wage sa NCR (na pinakamataas sa buong bansa). Iyan ay kongkretong katotohanang hindi na kailangan pa ng malalimang pag-aaral.
Sa bawat araw na lumilipas na naigugugol sa pagrerebyu imbes na sa agarang pagtataas sa sweldo ay kamakaunti ang pantustos ng mga manggagawa para sa kanilang mga pamilya. Kaya’t ang minimum wage review ay dapat tapusin agad ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) para sa lahat ng rehiyon sa buong kapuluuan.
Subalit, dapat sana’y kasunod ng review ay inutusan niya ang lahat ng government representatives sa mga regional tripartite wage boards na itulak ang substansyal na umento. Kasalukuyan nang nakahain ang wage petition sa NCR, at regions III, IVA, at VI para sa P750.00 na minimum na pasahod. Ang batayan ng mga wage petition ng mga samahan ng manggagawa ay ang pagbagsak ng sahod kumpara sa poverty threshold, consumer price index, at labor productivity.
Salubungin ng mga kinatawan ng DOLE ang petisyon ng mga manggagawa sa apat na regional wage boards. Huwag nang hintayin pang maghain ang mga labor representatives sa ibang mga rehiyon at itakda na ang mga hearing para sa panukalang P750.00 national minimum wage sa lahat ng regional wage boards.
Sobrang tagal nang napako ang minimum na sweldo. May umaabot na sa dalawang hanggang apat na taon. Ang huling mga wage order ay noon pang 2020, bago naganap ang mga lockdown, para sa rehiyong II, III, VII, XII, at ARMM. May ilan naman na naglabas ng kautusan noong 2018 at 2019 sa mga rehiyong I, IVA, IVB, V, VI, VIII, IX, X, XI, at XXIII. Ang kahilingang P750.00 national minimum wage ay nasa panig ng katuwiran.
Samantala, naiintindihan naming nais ni Sec. Bello na mag-itsurang obhetibo at balansyado nang idagdag niya ang tanong kung kaya bang bayaran ng mga employer ang substansyal na dagdag-sahod matapos kilalanin ang sobrang kababaan ng sweldo. Mas mainam sanang hayaang magsalita ang mga employer para sa kanilang interes. Dapat kakampi ng mga manggagawa ang DOLE sa pagprotesta laban sa starvation wage dahil ang “living wage” nakasaad mismo sa ating Saligang Batas.
Ang masalimuot na proseso sa pagtataas ng sweldo ay nagdadagdag ng katuwiran sa mga sumusunod na kahilingan ng kilusang paggawa at kilusang unyon:
- Ang pagrerepaso sa mga mekanismo ng pagtatakda ng sahod,
- Ang abolisyon ng regional wage boards at para sa national wage,
- At ang paglalagay sa cost of living bilang pangunahing konsiderasyon sa pagtatakda ng minimum wage.