Dapat magkaroon ng electoral reform kung nais nating isalba ang sistemang partylist sa pambabalasubas dito ng mga tradisyunal at elitistang mga pulitiko.
Tama ang mga datos ng pormasyong Kontra-Daya. Ang party-list system ay ginawang backdoor entry ng mga trapo na hindi na makapwesto bilang district representative dahil sa bangayan ng mga dinastiyang lokal o dahil nakuha na nila ang ang term limit sa naturang posisyon.
Sa kasalukuyan, nagbibigay din ng puwang ang party list system para sa mga milyonaryong nais maging kongresista; at sa mas maliit na gastos, dahil - bagamat tumatakbo sa isang pambansang halalan - kailangan lamang nilang makipagtransaksyon sa mga lokal na pulitikong may kontrol sa boto ng kani-kanilang mga base, na tumatagos hanggang sa barangay.
Ang problema sa pagrereporma ng sistemang party list ay maihahalintulad sa enabling law sa political dynasties na nakalagay sa Konstitusyon. Tatlong dekada na subalit hindi pumapasa sa kongreso’t batasan ang isang anti-political dynasty law. Sadyang hindi gagawa ng batas na taliwas sa kanilang pansariling interes ang malaking mayorya sa mambabatas dahil sila mismo ay nagmula sa mga politikal na mga dinastiya.
Tama lang na ipakita sa Comelec ang ganitong anomalya. Subalit may palusot ang Komisyon bilang simpleng tagapagpatupad ng batas at ituturo tayo sa desisyon ng Korte Suprema na nagpahintulot sa pagsalaula ng mga mayayayamang pulitiko sa party list law.
Kung gayon, ang pagrereporma ng party list system ay dapat na “mula sa loob” ng lehislatura, laluna sa mga totoong partylist ng mga marginalized sectors na makakasungkit ng upuan sa Batasan. O kung sadyang humigpit ang tsansang manalo ay baguhin ang party list law “mula sa labas” sa pamamagitan ng people’s initiative, sa tulong ng mga samahan at kilusan ng mamamayan.
Makapasok man sa Malakanyang o hindi, asahan niyong tutulong ako sa pagtutulak na amyendahan ang party list law. Mula man sa loob, kapag nanalo ang #123 PLM partylist na aking partido. O sa labas, sa parlyamento ng lansangan, na larangang matagal ko nang sinusuong para sa manggagawa’t mamamayan