Nilagdaan ang EO164 na nagpapahintulot sa paggamit ng nuclear energy upang pagkunan natin ng suplay ng kuryente. Hindi ito ang kalutasan sa nagbabadyang krisis sa kuryente. Palulubhain pa nito ang ating mga suliranin sa kalikasan at pampublikong pinansya o fiscal status.
- Maraming pag-aaral na ang nagbabala sa mga peligro mula sa ganitong energy source. Huwag nating kalimutan ang mga trahedya sa Chernobyl at Fukushima. Dagdag pa dito ang usapin ng radioactive waste. Naniniwala ako na kailangan pa ng mahabang panahon upang maabot ang teknikal na kaalaman at materyal na kapasidad para gawing ligtas ang ganitong tipo ng paglikha ng kuryente, sa kabila ng aking kumpyansa sa ating mga siyentista. Ito ay panahong wala tayo ngayon dahil sa kakagyatan ng problema sa energy supply. Mataas din ang carbon footprint sa pagtatayo ng mga energy plant, kaya malaki ang kontribusyon sa greenhouse gas emission at sa global warming, na nagpapalakas sa mga bagyo para sa mga bulnerableng bansa gaya ng Pilipinas.
- Ang energy source nito ay uranium, na kailangan pa nating iimport. Malaki ang epekto nito sa ating suplay ng dollar reserves, at apektado din ng mga biglaang paggalaw ng foreign exchange rates. Magastos din ang pagtatayo ng mga planta, na dating itinatayo sa pamamagitan ng malakihang pangungutang tulad ng Bataan Nuclear Power Plant (BNPP). Ang mismong EO164 ay nagbibigay ng otoridad sa Department of Energy na kumuha ng pamumuhunan sa ibang bansa. Isa itong senyal sa problema natin sa energy services (gaya ng iba pang esensyal na serbisyo) na pinagtutubuan ng mga malalaking korporasyon at mga bangko imbes na mga serbisyong inilalaan ng gobyerno sa kanyang mamamayan.
Para sa mas mura, mas malinis at mabilisang pagtatayo ng mga pasilidad para sa power generation, pangunahan at hikayatin ng gobyerno ang renewable energy. Libre ang hangin at sikat ng araw, hindi na kailangang angkatin sa ibang bansa. Walang nalilikhang waste ang solar at wind energy. Mas mabilis din itong naitatayo kumpara sa plantang nukleyar. Dapat sundin at palawigin pa ang Renewable Energy Law para sa safe, sustainable, at affordable na energy source.
Sa tanong kung may kapasidad ba ang renewable energy para likhain ang baseload, na palagiang naitatanong sa akin, tingnan po natin ang karanasan ng Vietnam [1]. Noong 2020, naitayo nila ang mahigit 9GW ng rooftop solar at 1.549GW ng utility scale solar. Dapat mapansin dito na ang 6.71GW rooftop solar ay naitayo nila sa loob lamang ng isang buwan, noong Disyembre 2020. #
References: