Ang kawalan ng tindig ni Marcos Junior sa isyu ng gyera sa Ukraine ay kaparehas lang ng kaduwagan nito na humarap sa debate. Nakaugalian na talaga ng anak ng diktador na umiwas sa responsibilidad.
Ang aking paninindigan para sa “non-alignment” na aking isinagot noon kay Propesora Carlos ay iba sa pekeng “nyutralidad” ng Uniteam. Importanteng tiyakin ang kaligtasan ng mga OFW na naiipit sa digmaan. Ngunit kakitiran sa pag-iisip ang tumanaw lang sa magiging epekto ng digmaan sa ating mga migranteng Pilipino.
Ang pagiging nyutral sa sitwasyong may nagsasamantala at may pinagsasamantalahan ay pagpanig sa mga nang-aapi.
Bilang responsableng bahagi ng komunidad ng mga nasyon, tungkulin ng mga Pilipino (at ng ating gobyerno) na tumindig laban sa panghihimasok at pakikialam ng anumang kapangyarihan sa teritoryo’t soberanya ng ibang bansa.
Kasama dito ang impluwensya ng malalaking imperyalistang bansa at mga pandaigdigang korporasyong monopolyo sa mga maliliit na bansa. Tutol ako sa panghihimasok ng Rusya sa Ukraine, gayundin ang pakikialam dito ng mga gobyernong nagdidikta sa North Atlantic Treaty Organization, partikular ang Estados Unidos at Inglatera.
Ang “non-alignment” ay hindi pagkampi at hindi pagpapagamit sa mga imperyalistang gobyerno. Pagsandig ito sa ganap na karapatan sa sariling pagpapasya ng mga bansa, na ang pangunahing sinasaalang-alang ay ang kapakanan ng kanilang mga manggagawa’t mamamayan.
Sa parehong agresyon, sa armadong pag-agaw ng Rusya sa teritoryo ng Ukraine at ang economic sanction ng mga bansa laban sa Rusya, ang numero unong tinatamaan ay ang manggagawa ng dalawang bansa habang nahahagip bilang “collateral damage” ang mamamayan ng Europa at ng buong daigdig.
Higit sa anumang bansa, ang Pilipinas, na may mahabang kasaysayan ng paglaban sa dayuhang mananakop, ay dapat tumindig upang bigyang-dangal ang kadakilaan ng ating mga ninuno. #