Transcribed from Ka Leody De Guzman’s Facebook Page:
Hindi ito ang huling EDSA. Nagpapatuloy ang diwa nito sa puso ng lahat ng Pilipinong naghahanap ng pagbabago.
Pagbabago na higit pa sa simpleng pagpapalit ng pangulo kundi sa pag-alwan sa araw-araw na buhay ng masang Pilipino. Pagbabagong ramdam ang pag-unlad sa manggagawa’t magsasakang lumilikha ng mga pangangailangan. Pagbabago sa pagugubyerno dahil nasusunod ang kapasyahan ng mayorya sa mga batas at patakaran ng pamahalaan, hindi lamang para pumili tuwing halalan kung sino ang susunod na may-tangan sa kapangyarihan.
Ang unang Edsa ay huminto sa simpleng pagpapatalsik sa diktador, kahit sa buong panahon ng pakikibaka laban sa diktadura ay palagiang itinataas ang diskuro sa mga isyu ng karapatang pantao at tumitinding kahirapan dahil sa krisis pang-ekonomya sa pagpasok ng dekada ‘80.
Ang Edsa Dos ay paggamit sa pag-aalsa ng panggitnang uri na naresolba sa simpleng constitutional succession ng karibal na paksyon ng mga elitista, sa katauhan ni Gloria Arroyo.
Ang Edsa Tres ay ang paggamit sa naipong galit at desperasyon ng maralitang lungsod para manumbalik ang pinatalsik na si Erap Estrada.
Ang susunod na “Edsa” ay matututo mula sa kahinaan at kakulangan ng naunang mga pag-aalsa at tangkang pag-aalsa. Hindi ito papayag sa gamiting sandata ang isyu ng korapsyon para lamang mapatalsik ang dominanteng paksyon ng mga elitista, nang walang esensyal na pagbabago sa mga neoliberal na pang-ekonomikong patakaran ng liberalisasyon, deregulasyon, pribatisasyon, at kontraktwalisasyon.
Masakit balikan ang mga kabiguan ng EDSA 1986, laluna sa henerasyon ng mga manggagawang naging bahagi nito.
Welga sa La Tondena ang bumasag sa katahimikan ng Martial Law. Ang kilusang unyon ang naglunsad ng strike wave noong 1975 at “noise barrage” bilang protesta sa dayaan sa Interim Batasang Pambansa Elections (IBP) noong 1978. Subalit, mula 1983 sa asasinasyon kay Ninoy Aquino hanggang sa Pebrero 1986, ang pamumuno sa anti-pasistang pakikibaka ay nahawakan na ng elitistang anti-Marcos. Ang rebolusyonaryong kilusang dating nangunguna sa pakikibakang anti-Marcos ay naiwan sa mga bundok sa inilulunsad na pangmatagalang digmang bayan habang bihis na bihis ang mga susunod na mga naghaharing uri’t paksyon para palitan ang napatalsik na rehimen. Ang masa ang nagtanim, nagbayo at nagsaing; pero nang maluto, ang mga elitista ang kumain!
Sa susunod na “Edsa”, dapat maiwasto ang pagkakamali sa makauring namumuno sa mga naunang pag-aalsa. Huwag ibigay ang manibela ng pakikibaka sa kamay ng mga burukratang nagpapagamit sa bilyonaryo upang manatili ang bulok na kaayusan, habang nililikha ang ilusyon ng demokrasya.
Ang susunod na Edsa ay hindi lamang “people power” kundi “labor power”. Pakikibaka ng sambayanan na pangungunahan ng uring manggagawa. Pakikibaka na hindi lamang sa EDSA kundi nasa mga iba pang mga kalsada, pabrika, plantasyon, opisina, paaralan, at komunidad.
Sanayin ang masa sa pagugubyerno, hindi lamang bilang mga botante sa halalan. Lumahok sa eleksyon hindi lang upang makaupo sa pwesto kundi organisahin ang pwersang mangunguna sa laban para sa demokrasya’t kalayaan; hanggang makamit ng uri ang kapasidad na pamunuan ang laban ng bayan, hindi lamang sa diktadura ng isang pamilya o alyansa ng mga pulitikal na dinastiya kundi sa mismong diktadura ng iilang bilyonaryo sa mamamayang Pilipino. #