REAKSYON SA TINDIG NI MARCOS JR SA KONTRAKTWALISASYON
Dahil inendorso ng pamunuan (hindi ng kasapian) ng TUCP ang pagkapangulo ni Marcos Junior, naobliga ang kampo nito na magpahayag ukol sa isa sa pinakatampok na problema ng mga sahurang manggagawa - ang kontraktwalisasyon.
Masusuma sa simpleng “pag-aralan” at “pakiusap” sa mga employers na diumano’y mga kaibigan ng anak ng diktador ang kanyang pagtugon sa salot na kontraktwalisasyon, na ilang dekada nang pumipinsala sa mga karapatan sa job security, regular na trabaho, at pag-oorganisa ng mga unyon. Isang epekto nito ay ang pananatiling starvation wage ng pasweldo na nagpalubha sa kahirapan ng marami at nagpalawak sa agwat ng mayaman at mahirap sa ating bansa.
Ang postura ni Marcos Junior ay kawalan ng pagtindig (at pag-intindi) sa isyu. Malulutas ang problema kung aalisin ang ligal na loophole, na walang iba kundi ang pagpapanatili sa mga trilateral work arrangements.
May tatlong paraan para mapagpasyang lutasin ang kontraktwalisasyon (na hindi exklusibo at maaring gawin ng sabay-sabay).
Una, sa pamamagitan ng Executive Order, para gamitin ng Secretary of Labor (ang alter ego ng pangulo sa mga usapin ng labor relations) ang kapangyarihan nito para pagbawalan o higpitan ang labor contracting (restrict or prohibit), alinsunod sa Article 106 ng Labor Code;
Ikalawa, ang pag-atas ng pangulo na gawing “urgent bill” ng kongreso’t ang prohibisyon sa mga trilateral work arrangements, na mangangahulugang “direct hire” na ang lahat ng trabahong “usually neccesary and desirable” sa pagtakbo ng isang negosyo;
Ikatlo, kung ayaw ng kongreso’t senado, ay isabatas ang pagbabawal sa labor contracting, sa pamamagitan ng “people’s initiative”.
Maraming paraan upang proteksyunan ang mga karapatan at ang kagalingan ng mga empleyado. Subalit hindi ito tinangkang aralin ng Marcos Junior (at kahit ng ilang kandidato sa pagkapangulo na nagsabing ang kailangan ay ipatupad lamang ang mga umiiral nang mga batas ukol sa labor contracting).
Hindi nila ito totoong inaral sapagkat hindi nila nakikita’t nararamdaman ang epekto nito sa mga manggagawa at kanilang mga pamilya. Tanging ang lider-manggagawa na sumagupa dito sa halos apat na dekada ang totoong makakaunawa sa problema ng (at sa solusyon sa) salot na kontraktwalisasyon.