Sinabi ni Imee na “lying” or “stupid” daw yun nagsasabing nagtatrabaho sila ng 18 oras kada araw.
Malamang nasabi niya ito dahil hindi niya naranasan ang pagiging manggagawa. Hindi rin siya nakalinga ng karaniwang ina na may double burden ng gawaing bahay bukod sa pagtatrabaho.
Dahil sa kababaan ng sweldo, hindi lang nag-oobertaym kundi may sideline pa ang marami sa ating mga kamanggagawa. Dapat repormahin ang batas ukol sa regular hours of work na tutugon din sa ating problema sa unemployment. Ang kompanya na may 24 hours operation at pinatatakbo ng tatlong 8-hour shifts ay maaring paandarin ng apat na 6-hour shifts, nang walang kabawasan sa sweldo.
Ang “shortening of the working day” ay tuloy-tuloy na laban ng global labor movement. Dati, ang trabaho ay mula 12 hanggang 16 oras kada araw nang walang overtime premium. Subalit naisabatas ang universal standard na 8-hour working day dahil sa sama-samang pagkilos ng mga manggagawa, sa loob at labas ng gobyerno.
Sa pag-unlad ng teknolohiya, dapat nadadagdagan ang oras na kontrolado ng tao ang kanyang buhay. Hindi tayo karugtong ng makina o mga simpleng kasangkapan sa operasyon ng kompanya. Labas sa pagkakayod, may pagpapasya tayo na gawin ang nais nating gawin. Walang dikta ng amo at company rules and regulations. Dito lamang tayo nagiging tunay at malayang tao.