Nung isang araw ay inilabas ng DTI ang panibagong listahan ng suggested retail price ng pitumpu’t tatlong batayang pangangailangan mula sardinas hanggang asin hanggang bottled water. Bukod pa dito nauna nang itinaas ang presyo ng tasty bread. Bunsod daw ito ng pagtaas ng presyong mga hilaw na materyales. Asahan natin ang domino effect nito sa lahat ng pamilihan sa buong bansa. Ayon sa DTI, makatwiran naman daw ang pagtataas dahil naka-asa tayo sa galaw ng presyuhan sa pandaigdigang merkado at nung isang taon pa raw dapat ito itinaas.
Dahil mga basic goods ang tinamaan tiyak sapul din ang budget ng mga pamilyang manggagawa. Sa nagdaang dalawang taon, patuloy tayong pinagtiis ng gobyerno sa katwirang bagsak ang ekonomiya at ngayon taon naman ay hindi pa rin daw istable ang ekonomiya. Pero dahil hindi naman napigilan ng gobyerno ang pagtaas ng presyo ng bilihin mula sa baboy at pati ang samu’t-saring gulay kung kayat hindi maaring sabihin ng gobyerno na hindi makatwiran ang pagtataas ng umento ng ordinaryong manggagawa. Tumaas na rin ang batayang pangangailangan ng pamilya ng manggagawa para mabuhay at magampanan nito ang tungkulin nito sa lipunan.
Nanawagan ako ng karampatang at maka-taong dagdag pasahod sa mga empleyado para maibsan ang naghihikahos na budget ng pamilya ng manggagawa. Nararapat nang dalhin sa pambansang entablado ang diskurso ng pambansang sahod at lagutin ang baluktot at maka-isang panig na pangangatwiran ng mga ahensya ng gobyerno para protektahan ang interes ng mga kapitalista.###