Halos limang libo ang bagong kaso ng Covid-19 ngayong araw. Nananawagan ako ng ibayong pag-iingat sa lahat. Huwag maging kampante at patuloy na sundin ang mga health protocols para sa ating kaligtasan.
Sa muling pagtaas ng mga bagong kaso, tiyak na pupunahin na naman ang diumano’y pagiging pasaway ng ating mga kababayan. Ito’y mali. Kung mayroon mang nagkulang, ito ay ang nasa pamahalaan na kulang ang tiyaga sa mahinahong pagpapaliwanag sa kanyang mamamayan. Dahil sa “holiday economics”, mas nakatingin ito sa pag-ikot ng komersyo sa dulo ng Disyembre kaysa sa peligrong idudulot nito sa publiko.
Samantala, nakaabot sa akin ang balitang naka-quarantine daw si Vice President Robredo at positibo daw sa Covid19 ang kanyang anak at close-in security aide. Nawa’y manatili siyang ligtas sa sakit. Sana’y agad ding gumaling ang lahat ng nagka-Covid19, kasama ang mga nasa sirkulo ni VP Leni.
Salubungin natin ang bagong taon nang may pagkakaisa sa komon na mithiing iahon ang masa sa mga krisis sa kalusugan, kabuhayan, klima, at karapatan. Ang ating pagkakaisa bilang mamamayang Pilipino ay papandayin ng diskursong bukas, prinsipyado, at rumerespeto sa ating mga pagkakaiba.###