NAKAKABAHALA ang pagbabasura ng Comelec 2nd division sa petisyon na ikansela ang COC ni Marcos Junior. Sapagkat senyal ito sa maaring maging resulta ng mga nakahain pang diskwalipikasyon sa kandidatura ng anak ng diktador.
Labas sa usaping teknikalidad, hindi makatuwirang patakbuhin para maging opisyal ang kandidatong napatunayang hindi nagbabayad o hindi nagdedeklara ng tamang buwis. Paano sila tuwirang magsisilbi sa gobyernong nais nilang pamunuan?
Nakakainsulto ito sa mga manggagawang awtomatikong kinakaltasan ng withholding tax sa kanilang sweldo at mabilisang pinapatawan ng VAT sa tuwing bumibili ng mga pangangailangan ng kanilang pamilya. Ito rin ay nakakaalarma sa henerasyon ng mga lumaban na sa diktadura at awtoritaryanismo mula pa noong dekada ‘80, tulad namin ni Prof. Walden Bello
Anuman ang maging desisyon, ang pagharang sa panunumbalik ng mga Marcos sa Malakanyang ay nananatiling nasa pagmumulat ng taumbayan para kanilang ipaglaban ang namemeligrong mga demokratikong karapatan at kalayaang sibil.
Muli ding napatunayan nito ang mga pangangailangan para sa electoral and political reforms, partikular ang prohibisyon laban sa mga political dynasties at ang partisipasyon ng masa sa pagugubyerno na magsasanay sa kanila para maging mga responsableng botante sa tuwing halalan. ###