PLATAPORMA NG MASA PARA SA PAGBABAGO
Trabaho, Karapatan, Oportunidad!
Ang Pilipinas ay may kapasidad na magbigay ng masaganang buhay at kabuhayan sa kanyang mamamayan. Tayo ay may likas-yaman at world-class na labor force.
Subalit ang anumang pag-unlad ay hindi nalalasap ng milyon-milyong manggagawa at masang Pilipino. Sapagkat ang yumayaman lamang ay ang iilang bilyonaryong nakikinabang sa mga batas at patakaran ng gobyerno.
Ang kailangan natin ay pagbabago.
Pagbabago na magmumula sa bagong pag-unawa sa "kaunlaran". Hindi lamang pagpapalago ng ekonomya, na sinusukat sa pagtaas ng GDP at GNP kundi sa pag-unlad sa antas ng pamumuhay ng mamamayan.
Tao muna bago bagay. Mamamayan muna bago tubo. Manggagawa naman, hindi mga bilyonaryo. Pagbabagong nakapundar sa "labor first policy".
Magagawa ang pagbabago kung pangungunahan ito ng gobyerno.
Huwag umasa sa merkado at sa palasak nitong "trickle down theory", na ang ipinangangaral ay kapag umunlad ang negosyo ay aalwan ang buhay ng tao. Itakwil ang neoliberal na doktrinang pang-ekonomya isinulong ng mga nagpalit-palit na mga administrasyon matapos ang pag-aalsang 1986.
Ang pagbabago sa ekonomya ay mangangailangan ng pagbabago sa pulitika.
Kamtin ang tunay na demokrasya, kung saan ang kapasyahan ng nakararami ang siyang nasusunod. Palahukin ang taumbayan sa buhay-pulitika ng bansa, hindi lamang bilang botante tuwing eleksyon.
Sa minimum, sila ay dapat na kinokonsulta sa mga batas at patakarang susundin nila bilang mamamayan. Sa maksimum, ang mamamayan dapat ang nasusunod bilang nakararami sa lipunan na siyang tunay na esensya ng "majority rules" sa ilalim ng tunay na demokrasya.
Ang panlipunang pagbabago ay hindi makukuha sa isang bigwas.
Sa halalang 2022, sa paglahok ng kandidatong manggagawa sa pagkapangulo, sisimulan natin ang mapagpasyang mga pagsulong sa interes ng higit na nakararami, at tinitipon ang lakas ng masa sa ilalim ng kanyang sariling plataporma.
Platapormang kagyat na tutugon sa mga krisis sa kalusugan, kabuhayan, klima at karapatan, kasabay nang pagsusulong ng ultimong layunin para sa ganap na pagbabagong panlipunan.
-
Repormahin ang ekonomya
- Buhayin ang agrikultura at manupaktura tungo sa ekonomyang pangunahing nakatuon sa pangangailangan ng taumbayan.
- Talikuran ang modelo ng diumano'y pag-unlad na nakatuon lamang sa pagpapalago ng tubo at nakasisira sa kalikasan
- Isulong ang ekonomyang tumutugon sa pangangailangan ng taumbayan at hindi nakakasira sa ekolohiya't kalikasan.
-
Isulong ang prinsipyo ng "workers control"
- Ipagbawal ang lahat ng porma ng kontraktwalisasyon sa pamamagitan ng prohibisyon sa mga trilateral work arrangements.
- Itaguyod ang mga unyon at mga komite na paralel sa board ng mga korporasyon para sa mga patakaran at pang-araw-araw na operasyon
-
Isulong ang regular na trabaho at seguridad sa hanapbuhay.
- Ipagbawal ang lahat ng porma ng kontraktwalisasyon sa pamamagitan ng prohibisyon sa mga trilateral work arrangements.
- Buwagin ang mga regional wage boards at igarantiya ang pambansang minimum wage na P750 tungo sa pagkakamit ng makabubuhay na sahod o living wage.
- Magbigay ng "wage subsidy" mula sa gobyerno para sa manggagawa ng maliliit na establisyemento.
- Maglalaan ng P2,000 monthly food subsidy at P3,000 health subsidy sa lahat ng mamamayan
- Ipatupad ang price kontrol sa mga batayang serbisyo't pangangailangan gaya ng langis, kuryente, internet, tubig, atbp.
-
Tiyakin ang suplay ng pagkain.
- Buwagin ang monopolyo sa lupa ng mga landlord at malalaking agrikultural na korporasyon, at iprayoridad ang buhay at kabuhayan ng mga magsasaka, manggagawang bukid, at sa lahat ng nasa sektor ng agrikultura.
- Ipamahagi ang lupang nakalaan para sa repormang agraryo at pigilan ang land coversion laluna ng mga malalaking kompanya sa real estate na tumitiba sa ispekulasyon sa halaga ng lupa.
- Pigilan ang bulag na pagsunod sa mga direktiba ng World Trade Organization (WTO).
- Ibasura ang 2019 Rice Tariffication Law
-
Itama ang regresibong pagbubuwis sa ordinaryong mamamayan at isulong ang “wealth tax”
- Ipataw ang “wealth tax” sa mga indibidwal na may net worth nang mahigit sa P100 milyon, na kabilang sa may pinakamayamang 250 pamilya sa bansa
- Ibasura ang pagbubuwis na nakasalalay sa pagkonsumo ng ordinaryong mamamayan imbes na sa kita, pag-aari, at yaman ng mga bilyonaryo't mga malalaking korporasyon.
-
Irebyu at i-audit ang lahat ng pagkakautang ng gobyerno.
- Alisin ang Automatic Debt Appropriation Law.
- Ikansela ang pagbabayad ng utang sa loob ng limang taon upang malikha ang pondo para umahon ang bansa mula sa pandemya't resesyon.
- Bawiin ang nakaw ng yaman ng mga Marcos.
-
Iprayoridad ang tugon sa pandemyang Covid-19.
- Magsulong ng unibersal na akses sa ligtas na bakuna, mga rekurso't pasilidad para sa mass testing, contract tracing, at isolation facilities.
- Itaas sa sweldo't benepisyo ng lahat ng manggagawang pangkalusugan.
-
Itatag ang direct democracy at partisipasyon ng masa sa paggugubyerno.
- Idaan sa national referendum ang lahat ng pundamental na pagbabago sa mga batas.
- Tiyakin na ang mga Kongresista ay totoong kumakatawan sa masang Pilipino.
- Buwagin ang political dynasties.
-
Puksain ang katiwalian sa lahat ng antas ng pamahalaan.
- Ipatupad ang transparency sa lahat ng sangay ng gobyerno.
- Ilahad sa publiko ang SALN ng matataas na opisyal ng pamahalaan at isapubliko ang kanilang bank account records.
- Tiyaking nagagamit ang pondo ng gobyerno para sa public service, hindi upang patibayin ang political patronage.
-
Igalang at isulong ang karapatang pantao.
- Ipatupad ang "civilian supremacy" sa pamahalaan, alinsunod sa Konstitusyon.
- Pigilan ang pagtalaga ng mga militar at pulis sa iba't ibang ahensya ng pamahalaan.
- Parusahan ang mga mandarambong at mga mamamatay-tao, kasama si Rodrigo Duterte at mga kakampi nito sa madugong giyera laban sa droga, aktibismo at unyonismo.
- Huwag ituring na bayani ang pinatalsik na diktador na si Ferdinand Marcos.
- Ibasura ang 2020 Anti-Terrorism Act.
- Muling buksan ang peace talks sa CPP-NPA-NDF at iba pang mga armadong rebelde.
- Ituloy ang naunsyaming negosasyon para sa Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reform o CASER.
- Ipatupad ang nauna nang Comprehensive Agreement on Human Rights and Respect for International Humanitarian Law o CAHRIHL.
- Itigil ang persukusyon sa media companies at igarantiya ang kalayaan sa pamamahayag at sa malayang impormasyon.
- Paglaanan ng badyet ang social services upang tugunan ang mga tunay na ugat ng armadong rebelyon kaysa sayangin ito sa mga ahensya ng gobyerno kagaya ng NTF-ELCAC.
-
Itaguyod ang right to self-determination ng iba't ibang etnikong komunidad.
- Suportahan ang pakikibaka ng Bangsamoro para sa ganap at makabuluhang awtonomya (hanggang sa pagsasarili, kung kanilang nanaisin).
- Palakasin at ipatupad ang indigenous principles para sa komon na pag-aari at pag-aalaga sa likas-yaman.
-
Isulong ang isang ganap na independent at internationalist foreign policy na nakapundar sa kooperasyon ng mga gobyerno at mamamayan.
- Tutulan ang panghihimasok ng malalaking bansa sa mga patakaran ng Pilipinas, gaya ng agresibong ekspansyon ng China at United States sa "Southeast Asian Sea" (West Philippine Sea/South China Sea) at isulong ang komon na pagpapaunlad at paggamit sa likas-yaman sa disputed territories.
- Tapusin ang Mutual Defense Treaty, Visiting Forces Agreement at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa Estados Unidos at ipasara ang kanilang mga pseudo-base militar sa loob ng bansa.
-
Ilaan ang pinakamalaking porsyon ng badyet ng gobyerno sa libre, dekalidad at sapat na panlipunang serbisyo para sa lahat.
- Baliktarin ang privatization ng public services.
- Tataasan ang pondo para sa mga paaralan, ospital, health center, park, library, day-care center, evacuation center, at iba pang public facilities.
- Pondohan ang ligtas at abot-kayang public mass housing at public transport system.
-
Itaguyod ang hustisyang pangklima.
- Pagbayarin ang mayayamang bansa na patuloy na nagpapalala sa climate crisis, na nagdudulot ng mas malalakas na bagyong pumipinsala sa mga Pilipino.
- Isulong ang makatuwirang low-carbon at clean energy transition nang hindi naisasakripisyo ang mga manggagawang binubuhay ng maruruming industriya.
- I-phase out ang power plants na pinatatakbo ng fossil fuels, laluna ng coal.
- Isulong ang industriyalisasyon na hindi nakasisira sa kalikasan.
-
Isabatas ang ganap na pagkakapantay-pantay sa kasarian.
- Palakasin ang gender rights at wakasan ang lahat ng uri ng karahasan at diskriminasyon sa kababaihan.
- Gawing ligal ang divorce.
- Huwag tratuhing krimen ang abortion.
- Tugunan ang lumalaking gender pay gap.
- Palakasin ang reproductive rights.
- Kilalanin at tustusan ng gobyerno ang reproductive at care work.
- Gawing ligal ang kategoryang LGBTQIA+, same-sex marriage at iba pang alternatibang porma ng pagpapamilya.