SINO SI KA LEODY DE GUZMAN?

Ako si Ka Leody De Guzman. Isa akong anak ng magsasaka, dating factory worker at isang lider manggagawa. Naninindigan ako kasama ng masa para sa pagtugon sa mga magkakaugnay na krisis sa kalusugan, kabuhayan, klima at karapatan.

Anak ng Magsasaka

Ako si Leodigario De Guzman, mas kilala bilang Ka Leody. Pang-pito sa labintatlong magkakapatid, at tatlo sa amin ay mapalad na nakapagtapos ng kolehiyo. Naninirahan sa Cainta, Rizal pero lumaki sa Naujan, Oriental Mindoro. May asawa, si Marie at may tatlong anak, si Olan, Lei at Dek.

Dating Manggagawa sa Pabrika

Nakapagtapos ng Customs Administration sa Philippine Maritime Institute sa Manila kahit na pinagsabay ko ang aking pagaaral at pagtatrabaho sa Aris Philippines, isang pabrika ng leather gloves sa Pasig.

Beteranong Aktibista

Pero bago ako makatapos ng kolehiyo, pumutok ang insidente na gumimbal sa sambayanang Pilipino, at naging mitsa ng aking walang tigil na pagoorganisa ng mga manggagawa at iba pang aping sector – ang asasinasyon ni Ninoy Aquino. Matapos kong mapakinggan ang mga talumpati ng mga gaya nila Pepe Diokno, Lorenzo Tanada at Butz Aquino nabuo ang aking loob na sumanib sa kilusan laban sa diktadurang Marcos at sa kalaunan ay sa independyenteng kilusan ng uring manggagawa.

Sa loob ng 36 na taon ng aking pagkilos, naging bahagi ako at nagkaroon din ako ng pagkakataon pamunuan ang iba’t-ibang pakikibaka mula sa laban para sa karagdagang sahod at benepisyo at regularisasyon sa mga kumpanya’t empresa, naging bahagi din ako ng mga pambansang koalisyon gaya ng KOM-VAT, Legislated Wage Increase o LAWIN 35, at marami pang iba.

Lider-Manggagawa

Sa kasalukuyan, ako ang tumatayong Chairman ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), kasama si Luke Espiritu - Senador ng Manggagawa na siyang Pangulo nito.

Naging representante rin ako ng bansa sa International Council ng International Center for Labor Solidarity (ICLS) at Bise-Presidente ng Asia Regional Organization of Bank, Insurance and Finance Union, (AROBIFU) na kung saan lumahok ako sa iba’t-ibang kumperensiya sa mga bansang gaya ng Japan, South Korea, Malaysia, Mongolia at New Zealand.

Bakit #ManggagawaNaman ang kailangan?

Ang aking paninindigan na lumahok sa elekyong 2022 ay pinanday ng aking mahabang panahon ng paglilingkod sa uring manggagawa at paglahok sa demokratikong pakikibaka ng sambayanan. Kailangang bigyan ng boses ang malawak na bilang ng ating mamamayan na pagod na pagod na sa panloloko ng mga pulitikong nagsisilbi lamang sa interes ng iilang bilyonaryo.

Ka Leody Campaign Logo

Manggagawa Naman. Atin to!

FOLLOW OUR CAMPAIGN

Contact

Have feedback for the campaign? Send a message using the form below, or send an email to media@kaleody.org

Passionately made by volunteers of Ka Leody De Guzman

© 2022